Isinagawa ng Police Regional Office 1 (PRO1), sa pamumuno ni Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr., Regional Director, ang kick-off ceremony bilang hudyat ng pormal na pagdiriwang ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month sa PRO1 Regional Headquarters, Camp BGen Oscar M. Florendo, noong Hulyo 6, 2026.
Alinsunod sa temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan at Nararamdaman ng Bayan,” muling pinagtibay ng PRO1 ang pangako nitong maghatid ng de-kalidad, makatao, at tapat na serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng mas pinaigting na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga komunidad, bilang mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Nakiisa rin sa programa ang mga opisyal at kawani ng National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office 1 sa pangunguna ni Atty. George Aplas D. Daskeo, CESO IV, Regional Director. Ang kanilang pakikibahagi ay sumasalamin sa matibay na ugnayan ng PNP at NAPOLCOM sa pagsusulong ng propesyonalismo, pananagutan, at mahusay na serbisyo publiko.
Isa sa mga tampok ng programa ang pagkilala sa mga natatanging Police Community Affairs and Development (PCAD) Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) mula sa La Union Police Provincial Office, Pangasinan Police Provincial Office, at Regional Mobile Force Battalion 1. Pinarangalan ang mga ito bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap at mahalagang ambag sa pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan sa Rehiyon 1.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang ng PCR Month, muling ipinamalas ng PRO1 ang matatag nitong suporta sa adhikain ng Bagong Pilipinas at sa pagpapatupad ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework. Kasabay nito, patuloy nitong isinusulong ang adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na nagbibigay-diin sa responsableng paglilingkod, pakikipag-ugnayan sa komunidad, at pagpapatibay ng tiwala ng publiko bilang pundasyon ng isang ligtas, maayos, at mapayapang Rehiyon ng Ilocos.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: PRO1



