Pinagtibay ng Police Regional Office 1 (PRO1), katuwang ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), ang kanilang koordinasyon para sa mas epektibong pagtugon sa mga usaping may kaugnayan sa seguridad ng media sa Region 1. Isinagawa ang case conference noong Agosto 27, 2026, sa PRO1 Conference Room, Camp BGen Oscar M. Florendo, Parian, City of San Fernando, La Union, sa pangunguna ni USEC. Jose A. Torres Jr., Executive Director ng PTFOMS.
Tinalakay sa pulong ang mga pinakahuling development, legal at operational concerns, at mga nararapat na hakbang kaugnay ng mga mino-monitor na kaso ng media-related killings sa rehiyon, partikular sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Pangasinan. Sa open forum, naging daan ang malayang talakayan upang malinawan ang mahahalagang usapin, matukoy ang mga agarang concern, at mapalakas ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng PTFOMS at PRO1.
Ipinakita ng case conference ang patuloy na pagsisikap ng PRO1 at PTFOMS na mapalakas ang inter-agency coordination at information-sharing para sa maagap at angkop na pagtugon sa mga usapin ng media security. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at responsableng pagpapatupad ng batas, patuloy na isinusulong ng kapulisan ang ligtas na kapaligiran para sa lahat, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 1 (https://www.facebook.com/share/p/1Awyzw4fki/)



