PRO MIMAROPA, nagtala ng 28% pagbaba ng krimen sa ilalim ng “Safer Islands” strategy

0
387

Nakapagtala ang Police Regional Office MIMAROPA (PRO MIMAROPA) ng makabuluhang 28.74% na pagbaba ng kabuuang insidente ng krimen mula Abril 6 hanggang Abril 20 taong kasalukuyan, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ayon sa datos, ito ay resulta ng pinaigting na implementasyon ng “Safer Islands” strategy na nakatuon sa mas ligtas na pamayanan sa rehiyon.

Batay sa ulat ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), bumaba mula 247 tungo sa 176 ang kabuuang krimen. Naitala rin ang 34.87% na pagbaba sa Peace and Order Indicators, habang ang index crimes ay bumagsak ng 57.58% at non-index crimes ay nabawasan ng 28.57%, patunay ng epektibong pagpapatupad ng mga hakbang ng pulisya.

Ang public safety incidents, kabilang ang mga vehicular-related cases, ay bumaba rin ng 18.95%, mula 95 tungo sa 77 kaso. Ang mga datos na ito ay nagpapakita ng mas pinalakas na presensya ng pulisya at mas disiplinadong komunidad sa buong rehiyon.

Ipinaliwanag ni PBGen Jovencio S. Badua Jr., Regional Director ng PRO MIMAROPA, na ang “Safer Islands” strategy ay idinisenyo upang tiyakin na mararamdaman ang presensya ng pulisya kahit sa mga liblib na lugar. Aniya, hindi dapat hadlang ang heograpiya upang matamasa ng publiko ang seguridad at proteksyon mula sa kapulisan.

Binigyang-diin din niya na mahalaga ang pagpapatuloy ng epektibong imbestigasyon at mabilis na resolusyon ng mga kaso upang mapanatili ang tiwala ng publiko. “Reducing crime is only part of the mission. We must ensure that justice is delivered. Safer Islands commits not only to visible policing, but to effective law enforcement that produces results,” dagdag ni PBGen Badua, na nagpapakita ng mas pinalawak na pananaw ng PNP sa pagpapatupad ng batas.

Muling pinagtibay ng PRO MIMAROPA ang kanilang dedikasyon sa community-centered at results-driven policing. Sa pamamagitan ng “Safer Islands,” layunin ng PNP na maghatid ng serbisyong nararamdaman ng komunidad sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kaayusan, disiplina, at tiwala ng publiko sa lahat ng komunidad sa rehiyon.

Source: PRO MIMAROPA

Leave a Reply