PRO 5, inihahanda ang RSSF at mga kagamitan bunsod ng pag-aalburoto ng Mayon

0
421
default

Inihahanda na ng Police Regional Office 5 (PRO 5) sa pangunguna ni Police Brigadier General Erosito N Miranda, Regional Director, ang mga tauhan nito na kasapi ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) maging ng mga kagamitan ng pulisya para sa agarang deployment bilang tugon sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Bicol Region nito lamang January 8, 2026.

Bandang alas-7 ng umaga, nananatili pa ring nasa Alert Level 3 ang estado ng Bulkang Mayon kung saan inaasahang magpapatuloy ang mga hazardous activity nito. Mayroon din umanong mga magmatic eruptions at napormang lava dome sa summit ng bulkan. Ang nasabing mga kondisyon ay maaari umanong magdulot ng pagbaha ng lava, maging ng Pyroclastic Density Currents (PDCs), o mas kilala sa tawag na “uson,” na nakapadelikado sa mga residenteng naninirahan malapit sa bulkan.

Patuloy din ang pakikipag-koordinasyon ng PRO 5 sa Office of the Civil Defense pati na rin sa mga Local Government Units (LGUs) para sa mas epektibong emergency responses sakaling lalala ang sitwasyon ng bulkan.

Pinaalalahanan naman ng PNP ang publiko na maghanda rin ng kani-kanilang mga emergency kits at evacuation plans, at higit sa lahat manatiling kalmado habang nakaantabay sa mga karagdagang abiso ng mga awtoridad.

Agad din umanong sumunod sakaling magbaba ang mga lokal na pamahalaan ng evacuation orders partikular na sa mga malapit sa danger zones, at mga lugar na posibleng maapektuhan ng lava flow at PDCs.

Siniguro naman ng PRO 5 ang lahat ng mga Bicolano na nakaantabay ang kanilang buong pwersa sa paghahatid ng kinakailangang tulong. Hinimok din nila ang publiko na huwag umanong mag-atubiling tumawag sa kanila o dumulog sa pinakamalapit na istasyon sakaling nangangailangan ng anumang uri ng emergency assistance para maiwasan ang mga aberya.