Nagkaisang ipinamalas ng Police Regional Office 4A (PRO 4A), sa pamumuno ni Regional Director PBGen Hansel M. Marantan, ang diwa ng malasakit at pagkakaisa sa paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa General Santos City at mga bayan ng Sarangani Province.
Noong Hulyo 7, 2026, pinangunahan nina PCol Maximo F. Sebastian Jr., PCol Verna L. Cabuhat, at PCol Gerald S. Dee ang pamamahagi ng relief assistance bilang kinatawan ni PBGen Marantan. Naging katuwang nila ang mga tauhan ng General Santos City Police Office, Sarangani Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 12, at Police Regional Office 12 upang matiyak ang maayos at mabilis na distribusyon ng tulong.
Mahigit 160 pamilya sa Barangay San Jose, General Santos City ang unang nabigyan ng 250 sako ng limang-kilong bigas at 250 grocery packs. Sinundan ito ng pamamahagi ng tulong sa 136 pamilyang Muslim sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Building, kung saan bawat pamilya ay tumanggap ng bigas at grocery pack bilang suporta sa kanilang agarang pangangailangan.
Nagpatuloy ang humanitarian mission sa Malapatan at Glan, Sarangani Province, kung saan mahigit 1,350 pamilya ang nabigyan ng bigas, malinis na inuming tubig, at grocery packs. Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng mga opisyal at tauhan ng Sarangani Police Provincial Office at mga lokal na lider ng mga barangay.
Sa kabuuan, umabot sa 1,736 sako ng limang kilong bigas, 1,350 bote ng 6-litrong inuming tubig, at 1,736 grocery packs ang naipamahagi ng PRO 4A, na nakatulong sa mahigit 1,646 pamilyang lubhang naapektuhan ng lindol. Ang inisyatibong ito ay patunay ng maagap, organisado, at makataong pagtugon ng kapulisan sa oras ng pangangailangan.
Patuloy na isinusulong ng Philippine National Police sa pamamgitan ng PRO 4A hindi lang ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maaasahang katuwang din ng mamamayan sa panahon ng sakuna at ibang mga emerhensiya, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 4A



