PNP Surigao del Norte, nasamsam ang mahigit Php54M halaga ng ilegal na droga; 3 Dayuhan, arestado sa Siargao

0
585

Nasamsam ng Surigao del Norte Police Provincial Office (SDNPPO) ang mahigit Php54 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga at naaresto ang tatlong dayuhang nasyonal sa isinagawang hot pursuit operation noong Disyembre 24, 2025, sa bayan ng General Luna, Siargao Islands.

Ayon sa ulat, nagsimula ang operasyon matapos i-report ng mga residente ng Barangay Daku ang pagkakatagpo ng mga silyadong pakete ng hinihinalang ilegal na droga sa baybayin at karagatang malapit sa lugar isang araw bago ang Pasko.

Sa agarang pagresponde ng pinagsanib na puwersa ng PNP, PDEA, PCG, at mga intelligence units, nakumpirma ang ulat at narekober ang walong pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang walong kilo at tinatayang halagang Php54.4 milyon, gayundin ang nasa 10 gramo ng marijuana kush.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na ang mga ilegal na droga ay nagmula sa isang yate na sumadsad sa coral reefs sa tapat ng Daku Island noong Disyembre 7. Isiniwalat ng isang lokal na bangkero na nasaksihan niyang sinadya umanong pasabugin ng mga sakay na dayuhan ang yate, dahilan upang kumalat ang mga pakete ng droga sa dagat.

Kinilala ni PCol Warren E. Dablo, Provincial Director ng SDNPPO, ang mga naarestong suspek bilang isang 30-anyos na Canadian at dalawang Hungarian nationals na may edad 53 at 58. Ang mga ito ay kasalukuyang nasa kustodiya ng General Luna Municipal Police Station at dumaan na sa wastong proseso ng batas.

Binigyang-diin ni PCol Dablo na walang ligtas na panahon para sa ilegal na gawain, lalo na sa panahon ng kapaskuhan, at tiniyak ang patuloy at mahigpit na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga, alinsunod sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1265819