Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) ang lehitimong operasyong isinagawa sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City noong Agosto 24, 2024 upang magsilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang kapwa akusado sa mga seryosong kaso kabilang ang pang-aabuso sa bata, sex trafficking, at sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad.
Sa pamumuno ni Police Brigadier General Nicolas Torre III, Regional Director ng Police Regional Office 11 (PRO 11), 2,375 tauhan ng PNP ang ikinalat sa 30-ektaryang compound para maihain ang warrant kasunod ng mga legal na protocol.
Tiniyak ng kapulisan na walang mga nasawi na direktang resulta ng pagpapatupad ng batas salungat sa mga impormasyong kumakalat. Gayunpaman, si G. Cababat, isang 51-anyos na nagtitinda ng pagkain at ilang araw nang nakatalaga sa isa sa mga bantayan ng KOJC ay nawalan ng malay sa oras ng operasyon. Maagap na dinala sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) para sa agarang lunas ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng kanyang medical condition.
Naghayag nang matinding pakikiramay ang PNP sa kanyang pamilya, at nais na linawin na ang kanyang pagpanaw ay hindi konektado sa operasyon.
Nais ding bigyang-diin ng PNP na ang operasyon ay hindi isang pag-atake sa organisasyon ng KOJC o sa mga relihiyosong paniniwala nito. Sa halip, hinihimok si Pastor Quiboloy at ang kanyang mga kapwa akusado na sumuko nang mapayapa upang maiwasan ang anumang karahasan.
Nananatiling matatag ang PNP sa pangako nitong itaguyod ang batas at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng mga nabanggit na kaso sa pamamagitan ng lehitimong operasyon at pagsunod sa mga legal na protocol. Panawagan din sa lahat ng mga tagasuporta na makipagtulungan sa pagpapatupad ng batas upang itaguyod ang kaligtasan at kagalingan ng lahat ng kasangkot.
Sa panulat ni Tintin