PNP, pinaigting ang security preparations para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections

0
24

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang security preparations para sa 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM PE) upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na pagsasagawa ng makasaysayang halalan. Pinangunahan ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang delegasyon ng Pambansang Pulisya sa COMELEC Final Command Conference noong Agosto 26, 2026, sa PRO BAR Headquarters, Camp Brigadier General Salipada K. Pendatun, Maguindanao del Norte.

Dinaluhan ang conference ng mga pangunahing election at security officials, kabilang sina AFP Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete, DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel S. Sarmiento, at Commission on Elections Chairman George Erwin M. Garcia. Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa seguridad ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro.

Tinalakay sa conference ang mahahalagang usapin hinggil sa threat assessment, deployment readiness, at inter-agency coordination upang matiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa anumang hamon sa seguridad bago at habang isinasagawa ang halalan. Sa pamamagitan ng masusing pagpaplano at pinaigting na operational readiness, patuloy na inihahanda ng PNP ang mga tauhan nito upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa mga election areas.

Nananatiling nakatuon ang PNP, katuwang ang mga partner security agencies, sa pagprotekta sa karapatan ng mga mamamayan na malaya, ligtas, at mapayapang makilahok sa makasaysayang halalan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1985W8yJ3L/)

Leave a Reply