PNP: Pagpapababa sa mga low-level offenses, susi ng pagkakaroon ng ligtas na komunidad

0
415

Layon umanong tutukan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang itinuturing na mga minor violations gaya na lamang ng public drinking at paglabag sa mga curfew hours bilang estratehiya ng pagkakaroon ng “Safer Cities” initiative, ayon kay Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief.

Ayon sa datos ng PNP, aabot na sa 24,881 mga ordinance violators ang nahuli ng mga awtoridad sa buong Metro Manila sa unang dalawang araw ng Safer Cities initiative simula April 6-7, 2026.

“With the more visible presence of our personnel on the ground, we are sending a strong message of our active role in crime prevention and instilling discipline. The goal is clear and simple: to make every street and every community safe for everybody,” pahayag pa ni PGen Nartatez.

Kabilang umano sa mga pangunahing paglabag ang pag-iinom sa mga pampublikong lugar at paninigarilyo na mayroong naitalang 8,075 mga violators; sumunod naman ang mga nakahubad ng pang-taas na mayroong 2,672 mga kaso; curfew violations ng mga menor de edad na mayroong 2,245; at mga paglabag sa pag-vivideoke ng lagpas alas 10 na mayroong 584 mga insidente. Habang ang natitira pang 11,305 mga kaso ay binubuo ng iba pang mga ordinance violations.

Sa mga nahuli, 6,369 sa mga ito ang pinagmumulta, 219 naman ang pormal na sinampahan ng kaso, at 18,293 naman ang binigyan ng mga warning bago pinakawalan.

Binigyang-diin naman ni PGen Nartatez na ang nasabing mga minor offenses umano kapag napabayaan ay maaaring magresulta ng mga seryosong krimen.

Aniya, “By addressing these small violations, the PNP seeks to prevent major criminal activity from emerging in neighborhoods. These minor violations are often the breeding ground for bigger crimes, so we are nipping them in the bud.”

Samantala, tiniyak naman ng hepe ng PNP na sa kabila ng maramihang pag-aresto, ay tumatalima pa rin ang lahat ng mga kapulisan sa standard PNP operational procedures (POP) sapagkat nariyan ang Internal Affairs Service (IAS) na nagmomonitor sa lahat ng mga aktibidad ng kapulisan.

“We have a zero-tolerance policy for ‘hulidap’ or any form of abuse. Bukas ang ating IAS para sa anumang sumbong,” dagdag pa niya.

Nanawagan naman ang hepe sa publiko na tingnan ang nasabing inisyatiba bilang mga hakbang ng PNP sa pagpapanatili ng ligtas at payapang komunidad.

“Safety starts with discipline. When communities follow simple rules, we can focus on bigger threats together. Cooperation is key,” saad pa ni PGen Nartatez.

Matatandaang kamakailan lamang, pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government ang striktong pagpapatupad ng mga kaukulang ordinansa na mahigpit na nagbabawal sa pag-iinom sa mga lansangan at pampublikong lugar, paghuhubad ng pang-itaas habang nasa lansangan, at pag-vi-videoke ng lagpas ng alas 10 ng gabi bilang bahagi sa “Safer Cities” initiative ng ahensya.

Dagdag pa ng PNP na ang Safer Cities initiative ay may kaugnayan din sa ipinatupad ng himpilan na Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, at sa hangarin ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na mas paigtingin pa ang police visibility upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa araw-araw nilang mga aktibidad.