Nananatiling nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa kabila ng kawalan ng natutukoy na direktang banta kaugnay ng tumitinding tensyon sa Middle East. Sa press briefing, sinabi ni PGen Jose Melencio Nartatez Jr., PNP Chief, na bagama’t wala pang credible threat na naitatala, patuloy ang pagiging mapagmatyag at maagap ng kapulisan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay PGen Nartatez, aktibong mino-monitor ng intelligence units ng PNP ang anumang posibleng “spillover effects,” kabilang ang banta ng terorismo at radicalization. Mahigpit din ang koordinasyon ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang intelligence partners upang matiyak ang maagang pagtukoy at pagresponde sa anumang umuusbong na panganib.
Sumiklab ang tensyon sa rehiyon matapos ang magkakaugnay na opensiba ng United States at Israel laban sa mga target na may kaugnayan sa Iran, na naglalayong pigilan ang agresyon sa rehiyon. Bagama’t wala umanong direktang epekto ito sa Pilipinas, kinikilala ng PNP ang kahalagahan ng kahandaan at maingat na pagbabantay sa mga posibleng implikasyon nito.
Binigyang-diin din ng PNP chief ang pangangailangang tiyakin ang seguridad ng mga dayuhang dignitaryo, kabilang ang mga VIP at embahador mula sa Estados Unidos at Israel, gayundin ang kanilang mga establisimyento at aktibidad sa bansa. Bahagi ito ng responsibilidad ng kapulisan na pangalagaan ang lahat ng nasa teritoryo ng Pilipinas, lalo na sa panahon ng pandaigdigang tensyon.
Hinimok naman ng PNP ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at mag-ingat laban sa pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng sigalot.
Sa patuloy na pagbabantay, koordinasyon, at kahandaan, iginiit ng PNP na nananatiling matatag ang seguridad sa bansa at handa itong kumilos anumang oras upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Source: PNP on guard vs. potential ‘spillover effects’ of Middle East conflict | Philippine News Agency



