Bilang tugon sa epekto ng kamakailang bagyo, namahagi ng tulong ang Philippine National Police (PNP) na pinangunahan ni Police General Nicolas D Torre III, Chief, PNP sa mga pamilyang naapektuhan sa Barangay 649 Baseco Compound, Tondo, Maynila ngayong Linggo ng umaga, ika-27 ng Hulyo 2025.

Umabot sa kabuuang 1,080 relief buckets ang ipinamahagi, na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng 5 kilong bigas, de-lata, noodles, at kape. Layunin ng nasabing tulong na maibsan ang hirap na dinaranas ng mga residente bunsod ng malalakas na ulan at pagbaha.
Ang operasyon ay isinagawa sa pangunguna ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Marvin Joe C Saro, katuwang ang iba pang yunit ng PNP, mga ahensya ng pamahalaan, at ilang non-government organizations (NGOs) na boluntaryong nagbigay ng donasyon.
Ang hakbanging ito ay patunay ng patuloy na pagtugon ng PNP hindi lamang sa usapin ng kapayapaan at kaayusan, kundi pati na rin sa agarang pagtulong sa mga mamamayan sa oras ng sakuna at kalamidad, lalo na sa mga pinaka-nangangailangan.



