PNP, nagbabala laban sa iresponsableng nagmamay-ari ng baril; pitong firearm registration at LTOPF, binawi

0
37

Mariing nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga gun owner na pairalin ang disiplina at responsableng pagmamay-ari at paggamit ng baril kasunod ng pagbawi sa pitong firearm registration at License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ng isang social media personality na nasangkot sa umano’y indiscriminate firing incident sa San Luis, Pampanga. Ayon sa PNP sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pagkakaroon ng lisensya sa baril ay may kaakibat na malaking responsibilidad at hindi pahintulot upang gamitin ito nang walang ingat.

Batay sa ulat, naganap ang insidente noong Nobyembre 13, 2026, kung saan makikita sa kumakalat na video ang naturang personalidad na nagpapaputok ng 9mm pistol habang may mga bisita sa isang pribadong resort. Nagsagawa ng ocular inspection ang mga pulis noong Nobyembre 15 upang beripikahin ang lugar, ang ginamit na baril, at ang kaukulang dokumento ng pagmamay-ari at rregistration. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at iba pang posibleng pananagutang kriminal o administratibo.

Binigyang-diin ng PNP na hindi nangangahulugang maaaring gamitin ang baril sa anumang paraan ang pagkakaroon ng kaukulang lisensya at rehistrasyon. Sa ilalim ng Republic Act No. 11926, o batas na nagpaparusa sa willful and indiscriminate discharge of firearms, maaaring mapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapatunayang lumabag dito, kabilang ang pagkansela ng lisensya o permit sa baril alinsunod sa mga probisyon ng batas.

Ayon kay PGen Nartatez, “Hindi laruan ang baril, at hindi rin ito dapat gawing bahagi ng katuwaan o pagpapakitang-gilas. Kahit rehistrado ang inyong armas, may kaakibat itong malaking responsibilidad. Hindi sapat na may lisensya kayo; kailangan ding tiyakin na ang bawat paggamit nito ay ligtas at naaayon sa batas. One careless decision involving a firearm can put lives at risk, and we will not take such violations lightly” (Isang kapabayaang desisyon na may kaugnayan sa paggamit ng baril ay maaaring maglagay sa panganib ng buhay ng ibang tao, at hindi namin palalampasin ang anumang paglabag na may kaugnayan dito).

Muling iginiit ng PNP na bahagi ito ng patuloy nitong pagsisikap na palakasin ang pananagutan, disiplina, at pagsunod sa mga umiiral na batas sa ilalim ng Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) at Integrity Monitoring. Nagpaalala ang PNP na ang responsableng pagmamay-ari ng baril ay hindi lamang nasusukat sa pagkakaroon ng lisensya kundi sa maingat at legal na paggamit nito upang mapangalagaan ang buhay at kaligtasan ng bawat mamamayan.

Source: PNP-PIO https://www.facebook.com/share/p/18M6diwXKQ/

Leave a Reply