Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang patakarang “one-strike” policy laban sa mga Police Commanders na mabigong pigilan o agad na lutasin ang mga insidente ng indiscriminate firing sa kanilang nasasakupan sa panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay PBGen Randulf Tuaño, Chief, PIO, na naglabas na ng Memorandum Circular si Acting Chief PNP, PLtGen Jose Melencio C Nartatez Jr na nagtatakda ng nasabing patakaran.
“May pinalabas na Memorandum Circular ang ating Chief PNP. Ito yung tinatawag natin na one strike policy. Kapag nagkaroon ng indiscriminate firing sa mga locality at hindi maiwasan, binibigyan ng ating Chief PNP ng 36 hours na isolve yung insidente or otherwise sila ay mare-relieve sa kanilang mga puwesto,” ani PBGen Tuaño.
Isinasaalang-alang din ng PNP ang muling paggamit ng muzzle taping sa mga baril ng mga pulis upang maiwasan ang nasabing aktibidad.
Samantala, sinabi ni PBGen Tuaño na wala pang direktiba ang muling paggamit ng muzzle taping sa mga baril ng mga pulis.
“Kaugnay ng sinasabi na muzzle taping, ito ay napag-usapan kahapon sa enhanced managing police operations conference kung saan na patuloy natin pinag-uusapan kung ano yung mga stratehiya na makakatulong sa pagbaba ng walong focus crimes. Yun po ay isa-suggest sa ating Chief PNP sapagkat nakikita natin maiiwasan natin yung temptations ng ating mga miyembro ng PNP, na huwag sila magpapatutok”, dagdag pa ni PBGen Tuaño.
Source: https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/12/12/pnp-to-enforce-one-strike-policy-over-indiscriminate-firing-incidents-1559
:https://www.pna.gov.ph/articles/1265110



