Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanda sa seguridad at kaligtasan ng publiko para sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan sa Pilipinas ngayong Hunyo 12, 2026. Layunin nitong matiyak ang maayos, mapayapa, at makabuluhang paggunita sa iba’t ibang panig ng bansa sa ilalim ng temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Inatasan ang lahat ng Police Regional Offices na ipatupad ang kani-kanilang security plans at deployment schemes sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, event organizers, at iba pang partner agencies. Kabilang sa mga bibigyang seguridad ang mga flag-raising ceremony, wreath-laying activities, parada, cultural presentations, at iba pang pagtitipon na inaasahang dadaluhan ng libu-libong mamamayan.
Sa National Capital Region, nagtalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kabuuang 12,414 personnel at force multipliers upang tiyakin ang seguridad sa mga pangunahing lugar ng pagdiriwang. Kabilang sa mga tututukan ang Rizal Park, Parada ng Kalayaan route, Andres Bonifacio Monument, Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion, at Pinaglabanan Memorial Shrine.
Naglagay rin ng karagdagang puwersa sa mga estratehikong lugar tulad ng paligid ng Malacañang Palace, ruta patungong Rizal Park, malapit sa United States Embassy, at iba’t ibang law enforcement checkpoints. Layunin nitong mapanatili ang kaayusan, maayos na daloy ng trapiko, at agarang pagtugon sa anumang insidente o pangangailangan ng publiko.
Ayon kay PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., nananatiling handa ang buong hanay ng kapulisan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayang makikibahagi sa pagdiriwang. “As we commemorate the 128th Anniversary of Philippine Independence, the PNP stands ready to ensure that our fellow Filipinos can participate in the celebration safely and with peace of mind. Our personnel across the country have been instructed to remain alert, responsive, and committed to providing the best possible service to the public,” aniya.
Hinikayat din niya ang publiko na makiisa at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lahat ng aktibidad kaugnay ng Araw ng Kalayaan. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at iba pang stakeholder upang masiguro ang maayos at mapayapang pagdiriwang sa buong bansa.
Source: PNP-PIO



