PNP-EOD/K9, matagumpay na isinagawa ang disposal ng mga explosive hazards sa Tarlac

0
654

Matagumpay at ligtas na naisagawa ng Philippine National Police (PNP) ang controlled disposal ng iba’t ibang unexploded ordnance at hazardous explosive materials sa isang military range sa Capas, Tarlac noong Abril 24, 2026.

Ang operasyon ay isinagawa ng PNP Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K9 units, katuwang ang mga partner security forces, bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kaligtasan ng publiko.

Maingat na sinunod ng mga tauhan ang mahigpit na safety protocols mula sa safety briefing hanggang sa aktuwal na operasyon. Sa itinakdang lugar, maayos na inihanda, sinigurado, at na-neutralize ang mga pampasabog sa pamamagitan ng controlled detonation upang maiwasan ang anumang panganib.

Laking pasasalamat ng PNP dahil natapos ang operasyon nang walang anumang untoward incident, na nagresulta sa zero risk para sa mga kalapit na komunidad. Ipinakita nito ang mataas na antas ng disiplina at propesyonalismo ng mga operatiba sa sensitibong tungkuling kanilang ginagampanan.

Binigyang-diin ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, ang kahalagahan ng ganitong operasyon sa pangangalaga ng buhay at pagpapanatili ng kapayapaan. Aniya, “Operations like this are critical. Hindi natin puwedeng ipagsawalang-bahala ang mga ganitong panganib. Every unexploded ordnance is a real threat, and our duty is to make sure these are properly handled and safely disposed of.”

Nagpaalala rin ang PNP Chief sa publiko na agad iulat ang anumang kahina-hinala o hindi pamilyar na bagay na maaaring magdulot ng peligro. Hinikayat niya ang paggamit ng pinakamalapit na himpilan ng pulisya o pagtawag sa Unified 911 upang maiwasan ang disgrasya.

Bilang bahagi ng Focused Agenda ng organisasyon, patuloy ang PNP sa pagpapalakas ng operasyon at kakayahan upang mabilis at responsableng matugunan ang mga banta ng pampasabog. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na capability-building at koordinadong operasyon, nananatiling nakatuon ang PNP sa tungkuling protektahan ang mamamayan—alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply