Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng ligtas at mapayapang kapaligiran sa mga paaralan, nagsagawa ang mga tauhan ng 103rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB 1), sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Johnny G. Fata-ek, Assistant Company Commander (ACC), ng programang “Stand Together for Safer Schools” sa Calaoa-an Elementary School, Candon City, Ilocos Sur, noong Hulyo 9, 2026.
Tampok sa community outreach program ang anti-bullying awareness campaign at libreng gupit na dinaluhan ng mga mag-aaral, magulang, guro, at mga opisyal ng barangay. Layunin ng programa na palawakin ang kamalayan ng komunidad tungkol sa masasamang epekto ng pambu-bully at hikayatin ang mga kabataan na magkaroon ng lakas ng loob na magsumbong at manindigan laban sa anumang uri ng karahasan, pananakot, at pang-aabuso sa loob at labas ng paaralan.
Sa isinagawang talakayan, binigyang-diin ng mga pulis ang kahalagahan ng paggalang, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa upang mapanatili ang isang ligtas, inklusibo, at positibong kapaligiran sa pag-aaral. Hinikayat din nila ang mga mag-aaral na maging mabubuting halimbawa sa kanilang kapwa at aktibong makiisa sa pagpigil sa bullying sa kanilang paaralan at komunidad.
Kasabay nito, nagkaloob din ang mga tauhan ng RMFB 1 ng libreng gupit sa mga mag-aaral bilang pagpapakita ng kanilang malasakit at suporta. Nagdulot ito ng saya at dagdag na kumpiyansa sa mga bata, habang higit pang pinagtitibay ang ugnayan ng Philippine National Police at ng komunidad sa pamamagitan ng serbisyong may puso at malasakit, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: RMFB1, 103rd MC



