Pinangunahan nina Philippine National Police (PNP) Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla ang isang pagpupulong hinggil sa paghahanda sa seguridad para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits noong Nobyembre 9, 2026, sa PNP Main Conference Room, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Tinalakay sa pagpupulong ang pinakahuling risk and threat assessment, mga update sa paghahanda para sa naturang mataas na antas na pagtitipon, at ang security at deployment plan upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, matataas na opisyal, kalahok, at publiko. Binigyang-pansin din ang pagtukoy sa mga posibleng banta at ang pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang anumang insidente.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang kahalagahan ng pagtutugma ng mga estratehiya sa operasyon, pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya, at pagtitiyak sa kahandaan ng mga pulis na itatalaga para sa internasyonal na pagtitipon. Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang maagap na pagpaplano sa seguridad, intelligence-driven operations, at koordinadong pagpapatupad ng batas.
Patuloy na pinaiigting ng PNP ang kahandaan at kakayahan nitong matiyak ang ligtas, maayos, at matagumpay na pagsasagawa ng 49th ASEAN Summit and Related Summits sa pamamagitan ng masusing paghahanda at pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1CiQ54GBnj/)

