Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) ang buong suporta nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng kanyang pahayag hinggil sa mga nagaganap at planong kilos-protesta. Tiniyak ng PNP na mananatiling ligtas at mapayapa ang bawat komunidad habang isinasagawa ang mga pagkilos.
Kinilala ng Pangulo ang galit at pagkadismaya ng mamamayan bilang bunga ng mga isyung naibunyag sa publiko. Binigyang-diin niya na karapatan ng bawat isa ang magpahayag at magtipon, ngunit dapat itong gawin nang mapayapa at naaayon sa batas.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kahandaan ng pambansang pulisya upang protektahan ang taumbayan at panatilihin ang kaayusan.
“Buong suporta kami sa pahayag ng ating Pangulo. Iginagalang ng PNP ang karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag sa mapayapang paraan. Kasabay nito, hindi namin hahayaang may sinuman o grupong magsamantala para maghasik ng gulo at karahasan,” ani PLtGen Nartatez.
Dagdag pa niya, mananatiling magpapakita ng maximum tolerance ang mga pulis ngunit mahigpit na ipatutupad ang batas laban sa sinumang lalabag at magdudulot ng panganib sa buhay at ari-arian.
“Kasama ng PNP ang sambayanang Pilipino. Patuloy kaming maglilingkod nang may propesyonalismo, integridad, at katarungan upang mapanatili ang katahimikan ng ating mga komunidad. Nananawagan kami sa lahat na manatiling kalmado, mapagmatyag, at masunurin sa batas,” dagdag pa ng Acting Chief PNP.
Ayon sa PNP, nakalatag na ang masusing paghahanda sa seguridad para sa mga nakatakdang kilos-protesta upang mapangalagaan ang karapatan ng mga nagpoprotesta at ang kaligtasan ng nakararami.



