PNP, BI at PAOCC, naaresto ang mga Japanese at Chinese POGO-scam operators sa Angeles City

0
488

Sa isang high-profile law enforcement operation, matagumpay na naaresto ng Philippine National Police (PNP), katuwang ang Bureau of Immigration (BI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ang tatlong Japanese at isang Chinese national na umano’y sangkot sa online gaming at POGO-related scam operations sa Angeles City, Pampanga noong Pebrero 18, 2026.

Batay sa intelligence report mula sa Japan Embassy at sa lokal na monitoring units, natukoy ang mga suspek na may kaugnayan umano sa malawakang scam networks na nambibiktima maging sa ibang bansa. Nahuli ang dalawang babae na may edad 28 at 31, at dalawang lalaki na may edad 42 at 32, malapit sa kanilang tinutuluyan sa Friendship Plaza, Brgy. Pampanga, habang tangkang umalis sa lugar.

Kinumpirma ng mga operatiba ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng embahada bago isinagawa ang pag-aresto dahil sa paglabag sa immigration laws, kabilang ang overstaying at pagiging undocumented.

Lumabas din sa imbestigasyon na ang grupo ay may papel umano sa logistics, personnel management, at online gaming fraud operations na konektado sa Pampanga-based POGO scam hubs. Bagama’t itinanggi ng mga suspek ang pagkakasangkot sa kidnapping o extortion, ipinakita ng intelligence findings na sangkot sila sa masalimuot na operasyon ng panloloko na gumagamit ng organisadong istruktura at koordinasyon ng mga tauhan upang makapambiktima ng mga dayuhan.

Ayon kay PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng propesyonalismo at pagbabantay ng mga tauhan ng PNP. “This success demonstrates the professionalism and vigilance of our personnel in keeping criminal operations at bay. Patuloy ang PNP sa pagtugon sa mga sindikatong banyaga na nambibiktima sa ating bansa,” aniya.

Matapos ang pagproseso, inilipat ang mga naaresto sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kaukulang inquest proceedings.

Ang operasyong ito ay nakaayon sa Focused Agenda ng PNP, partikular sa Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong gawing mas maagap, koordinado, at episyente ang pagpapatupad ng batas. Sa pamamagitan ng intelligence-driven at inter-agency collaboration, ipinakita ng PNP ang kakayahan nitong hadlangan ang mga banta ng transnational criminal networks bago pa tuluyang makapaminsala sa mas maraming biktima.

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na pinalalakas ng PNP ang kampanya laban sa POGO-linked fraud at iba pang anyo ng organisadong krimen. Muling tiniyak ni PGen Nartatez na hindi kukunsintihin ang sinumang dayuhan o lokal na magtatangkang gamitin ang bansa para sa ilegal na kita. Sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” nananatiling nakatuon ang PNP sa pangangalaga ng seguridad, integridad, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.