Nilagdaan ng Philippine National Police (PNP) at ng GMA Kapuso Foundation, Inc. (GMAKF) ang isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Hulyo 14, 2026 sa PNP Star Officer’s Lounge sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City bilang hudyat ng mas pinaigting na pagtutulungan para sa mga programang makatao at pangkaunlaran.
Kinatawan ni Chief of the Directorial Staff PLtGen Neri Vincent D. Ignacio si PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez, Jr., habang si GMAKF Executive Vice President at Chief Operating Officer Luz Annalee Escudero-Catibog ang lumagda para sa pundasyon.
Sa mensaheng ipinarating ni PGen Nartatez sa pamamagitan ni PLtGen Ignacio, binigyang-diin na ang kasunduang ito ay sumasalamin sa iisang layunin ng PNP at GMA Kapuso Foundation na maghatid ng makabuluhang tulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga gawaing makatao, pagtugon sa kalamidad, at mga programang nagsusulong ng pag-unlad ng pamayanan at nation-building. Nagpasalamat din ang pamunuan ng PNP sa patuloy na dedikasyon ng GMAKF sa paglilingkod sa publiko at sa pakikiisa nito sa pagtulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
Ang nasabing partnership ay umaayon sa PNP Focused Agenda, partikular sa Active Community Support, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng matatag na ugnayan sa iba’t ibang sektor upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kapakanan ng mamamayan. Inaasahang higit pang mapapalawak ang mga programang direktang makikinabang ang mga komunidad sa pamamagitan ng pinagsanib na lakas ng PNP at GMAKF.
Muling pinagtibay ng PNP at GMA Kapuso Foundation ang kanilang pangako na maghatid ng makabuluhang serbisyo publiko para sa sambayanang Pilipino, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



