Matagumpay na nagtapos noong Hulyo 17, 2026 ang tatlong-araw na Plate Spotting Seminar na isinagawa ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) sa pakikipagtulungan ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT), kung saan 50 na mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) mula sa iba’t ibang himpilan sa lalawigan ang lumahok at matagumpay na nakatapos ng pagsasanay.
Layunin ng seminar na higit pang paigtingin ang seguridad sa mga hangganan ng isla at maagap na sugpuin ang pagnanakaw ng mga sasakyan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga kalahok ng mas malalim na kaalaman sa mga estratehiya sa pagpigil sa carnapping at sa mga umiiral na batas hinggil sa seguridad ng mga sasakyan.
Sa loob ng tatlong araw, tinalakay sa seminar ang mga makabagong sistema ng pagpapanatili ng seguridad ng sasakyan, mga pamamaraan sa pagtukoy ng mga peke o binagong plaka, wastong proseso ng pag-uulat ng mga ninakaw na sasakyan, at isinagawa rin ang mga praktikal na pagsasanay sa makabagong plate spotting techniques upang matukoy at maharang ang mga ninakaw, hindi rehistrado, o may tampered na sasakyan.
Sa isinagawang closing ceremony, binigyang-diin ni CATPPO Provincial Director na si PCol Virgilio R Buena na ang pagsasanay ay hindi lamang nakatuon sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga pulis, kundi pati na rin sa pagbuo ng isang mas mapagmatyag at magkakaugnay na hanay ng mga tagapagpatupad ng batas at mga katuwang sa sektor ng transportasyon upang mapanatiling ligtas at malaya sa krimen ang mga lansangan ng Catanduanes.
Nagpahayag din ng pagkilala ang CATPPO sa Provincial Highway Patrol Team (PHPT) sa pangunguna ni PLt Silvester L Red III dahil sa kanilang ibinahaging teknikal na kaalaman at taktikal na kasanayan sa buong pagsasanay.
Sa pamamagitan ng mga bagong kasanayang natutuhan ng mga kalahok, muling pinagtitibay ng CATPPO ang kanilang matatag na pangako na paigtingin ang pagpapatupad ng mga checkpoint at iba pang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan ng Catanduanes alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



