Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na manatiling mapagmatyag ngayong Semana Santa matapos maitala ang pitong kaso ng pagkalunod sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa ulat ng pulisya noong alas-6:00 ng umaga ng Biyernes Santo, Abril 3, 2026.
Kaugnay dito, agad namang rumesponde ang mga pulis kasama ang rescue units upang tugunan ang mga insidente at magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan. Patuloy din ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa mga lugar-pasyalan at paliguan.
Binigyang-diin ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, ang kahalagahan ng pag-iingat, lalo na sa kasagsagan ng paglalakbay at paggunita ng Semana Santa. Aniya, “This Good Friday, we remind everyone to always stay cautious and alert of your surroundings. Take care of yourself and every member of your family, and ensure that your travel and prayers are safe.”
Upang mapanatili ang kaayusan at seguridad, nag-deploy ang PNP ng mahigit 99,000 pulis sa buong bansa na nakatalaga sa mga pantalan, pilgrimage sites, mga pangunahing destinasyon, at iba pang matataong lugar. Katuwang nila ang iba pang ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang para maiwasan ang krimen at aksidente.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na bantayang mabuti ang kanilang mga gamit, iwasan ang mapanganib na aktibidad tulad ng paglangoy sa delikadong lugar, at sumunod sa mga batas trapiko. Pinayuhan din ang lahat na agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa pamamagitan ng Unified 911 hotline.
Tiniyak ng PNP na nananatiling nakabantay at handang tumugon ang pulisya sa anumang emerhensiya sa buong bansa.
Source: https://newsinfo.inquirer.net/2206247/pnp-urges-vigilance-as-7-cases-of-drowning-recorded-during-holy-weekSource: https://newsinfo.inquirer.net/2206247/pnp-urges-vigilance-as-7-cases-of-drowning-recorded-during-holy-week



