Pitong indibidwal ang inaresto at mahigit Php5.2 milyong halaga ng mga pekeng produkto ang nakumpiska sa isang buy-bust operation sa Parañaque City na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group–Specialized Mission and Monitoring Division Field Unit (CIDG-SMMDFU), katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), dakong alas-12:15 ng tanghali noong Disyembre 18, 2025 sa ikatlong palapag ng isang establisimyento sa Barangay San Dionisio, Parañaque.
Nakumpiska sa operasyon ang 386 bales ng mga pekeng produktong SHEIN na tinatayang nagkakahalaga ng Php5.2 milyon, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya. Inaresto ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 3883, Republic Act 8293 o Intellectual Property Code, at Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief ng Philippine National Police (PNP), patunay ang operasyon ng matatag na kampanya ng PNP laban sa ilegal na kalakalan at panlilinlang sa publiko. Dagdag pa niya, “Hindi namin hahayaan na manlilinlang at mapagsamantalahan ang publiko sa pamamagitan ng mga pekeng produkto.”
Ang mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-SMMDFU para sa inquest at kaukulang proseso. Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay laban sa pamamahagi ng pekeng produkto, alinsunod sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sa adbokasiyang ““Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



