Mandaue City – Tinatayang nasa halos isang milyon na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng kapulisan ng Mandaue City Police Office sa buy-bust operation na isinagawa sa Sitio San Jose, Brgy. Guizo, Mandaue City noong Biyernes, Setyembre 22, 2023.
Kinilala ni Police Major Andy Michael Roque, Police Station 1 Commander ng Mandaue City Police Office, ang nadakip na si alyas “Amay”, 41, tubong 95-K Katipunan St., Brgy. Labangon, Cebu City.
Dakong alas-10:10 ng gabi nang ilunsad ang operasyon ng mga operatiba ng Police Station 1 kung saan agad na nadakip ang suspek matapos mapagbentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Narekober sa kanya ang nasa 140 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php952,000, sling bag na ginamit bilang lagayan ng droga, at ang buy-bust money.
Nakakulong ngayon ang suspek sa himpilan ng naturang istasyon habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Sinisiguro ng kapulisan ng Mandaue City PNP ang publiko na sa kanilang patuloy na suporta at pakikiisa, aasahan ang mas maigting at mahusay na serbisyo sa pagsusulong ng kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng komunidad.