Tumanggap ng matataas na kalibre ng mga baril at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng Php944,864.70 ang Bureau of Corrections (BuCor) mula sa Philippine National Police (PNP) noong ika-13 ng Oktubre sa Kampo Crame.
Sa isang simpleng seremonya, personal na nai-turnover ni PNP Deputy Chief for Administration, Police Lieutenant General Joselito Vera Cruz, kasama si Police Brigadier General Ronaldo Olay, Director for Logistics, ang mga donasyon kay BuCor Director-General, Usec. Gerald Q. Bantag at Asec. Milfredo Melegrito.
Kabilang dito ang 40 yunit ng 12GA shotgun; 2,000 rounds 12GA shotshells; 40 yunit ng revolver cal .38; at 960 rounds Ctg. ball cal .38.
Ang mga kagamitan ay hindi na kasama sa supply line ng PNP at kabilang na sa disposable properties batay sa Table of Equipment ng ahensya.
“Under the PNP Memorandum Circular No. 2017-17 or the Revised Guidelines and Procedures in the Disposal of the Philippine National Police Property, Plant and Equipment, Transfer of Property is one of the modes of disposal. With this, we are glad to choose the BuCor as our recipient,” ani PLtGen Vera Cruz.
Dagdag pa niya, BuCor ang napiling pagbigyan ng PNP bilang konsiderasyon sa pangangailangan ng kanilang tauhan ng mga karagdagang kagamitan, partikular na ang mga jail guard, upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa loob ng mga kulungan.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Usec. Bantag sa ibinigay na kagamitan at suporta ng PNP.
#####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche