Tinatayang Php700,000 halaga ng Fully Grown Marijuana Plants ang nadiskubre ng mga operatiba ng Benguet PNP sa isinagawang marijuana eradication sa Sitio Aninito, Tacadang, Kibungan, Benguet nito lamang ika-11 ng Setyembre 2024.
Ayon kay Police Colonel Joseph P Bayongasan, Provincial Director ng Benguet Police Provincial Office, naging matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng mga pulisya sa pangunguna ng Kibungan Municipal Police Station katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit; Benguet Police Provincial Office; Regional Intelligence Division; Philippine Drug Enforcement Agency-CAR; at ng Land Transportation Interdiction Unit (LTIU)-CAR.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkadiskubre ng isang plantasyon ng marijuana na may tinatayang lawak na 700 square meters at may nakatanim na mahigit kumulang 3,500 na piraso ng Fully Grown Marijuana Plants na nagkakahalaga ng Php700,000 Standard Drug Price.
Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng binunot na marijuana ay naidokumento at sinunog sa mismong lugar.
Pinuri naman ni PCol Bayongasan ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at sinisiguro naman na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga, gayundin upang matuldukan ang paglaganap ng pinagbabawal na gamot sa kanilang nasasakupan.
Ang pagpuksang ito ng PNP ay bilang pagsuporta sa isinusulong ng Pangulong Ferdinand R Marcos, Jr., na Whole-of-Nation Approach na kinakailangan para masugpo ang paglaganap ng ilegal na droga at maging illegal drug-free ang bansa.