Sinunog ng mga awtoridad ang tinatayang Php6,400,000 halaga ng Fully Grown Marijuana Plants sa isinagawang marijuana eradication sa Mount Fetak, Saclit, Sadanga, Mountain Province noong ika-22 ng Agosto 2024.
Ayon kay Police Colonel Sibly P Dawiguey Jr., Provincial Director ng Mountain Province Police Provincial Office, naging matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng pulisya sa pangunguna ng Sadanga Municipal Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit, 4th Platoon 2nd Provincial Mobile Force Company, Mountain Province Public Information Office, Regional Intelligence Unit-14, at Philippine Drug Enforcement Agency Mountain Province.
Nagresulta ang operasyon sa pagkadiskubre ng isang plantasyon ng marijuana na may kabuuang lawak na 1,600 kuadro metro na may nakatanim na 32,000 na piraso ng Fully Grown Marijuana Plants na may Php6,400,000 Standard Drug Price.
Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng nadiskubreng marijuana ay naidokumento at sinunog sa mismong lugar.
Pinuri naman ni Police Colonel Dawiguey Jr. ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at sinisiguro naman na lalong paiigtingin ang kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga, gayundin upang matuldukan ang paglaganap ng pinagbabawal na gamot sa kanilang nasasakupan.