Php2.82M halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes, nasamsam sa checkpoint sa Midsayap; 2 indibidwal, arestado

0
49

Aabot sa Php2.82 milyong halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga awtoridad habang dalawang lalaki ang naaresto sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Sadaan, Midsayap, Cotabato noong Hulyo 23, 2026.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Toto,” 48 taong gulang, at “Dindo,” 25 taong gulang. Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Midsayap Municipal Police Station (MPS), 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company (CPMFC), Regional Intelligence Division 12 (RID 12), at Highway Patrol Group–North Cotabato Highway Patrol Team.

Ayon sa ulat, hindi umano sinunod ng mga suspek ang utos ng mga pulis na huminto sa checkpoint at sa halip ay nagtangkang tumakas, dahilan upang magsagawa ng pagtugis ang mga operatiba hanggang sa tuluyang maharang ang kanilang mga sasakyan.

Sa isinagawang plain-view inspection, nadiskubre at nasamsam ang 3,300 reams ng mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes na may tinatayang halagang Php2,823,810.00. Nasamsam din ang dalawang sasakyang ginamit sa umano’y pagdadala ng mga kontrabando.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. Inihahanda na rin ang kaukulang reklamong kriminal na ihahain sa Provincial Prosecutor’s Office.

Pinuri ni Acting Regional Director PBGen Alan B. Manibog ang mga operatibang nagsagawa ng matagumpay na operasyon at muling iginiit ang matatag na kampanya ng Police Regional Office 12 laban sa smuggling at iba pang uri ng kriminalidad.

“Hindi natin palalampasin ang anumang uri ng smuggling na sumisira sa ating ekonomiya at lumalabag sa batas. Mananatiling mahigpit ang ating mga checkpoint at law enforcement operations upang maprotektahan ang publiko at matiyak na mananagot ang mga lumalabag sa batas,” ani PBGEN Manibog.

Leave a Reply