Arestado ang tatlong drug suspect at nakumpiska ang humigit-kumulang na Php115,328 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang magkakahiwalay na anti-illegal drug operation noong Hulyo 4, 2026.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eisbon L Llamasares, Hepe ng Baliwag Police Station, bandang 1150 ng gabi ay nagsagawa ng buy-bust operation ang Drug Enforcement Unit Pulilan MPS, sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang drug suspect, nasamsam mula sa suspek ang apat na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na nagkakahalaga ng Php42,160.00 at buy-bust money.
Samantala, batay sa ulat ng mga hepe ng Pulilan at San Jose del Monte Police Stations, dalawa pa ang naarestong sangkot sa iligal na droga at nakumpiska ang walong sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php73,168 at buy-bust money.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Ang patuloy na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga, sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director, ay nagpapatunay ng dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan.



