Php1.8M halaga ng shabu, nakumpiska sa Nueva Ecija

0
668

Matagumpay ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Calipahan, Talavera, Nueva Ecija noong umaga ng Disyembre 20, 2025 na nagresulta sa pagkaaresto ng isang high-value drug suspect at pagkakumpiska ng mahigit Php1.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon sa Police Regional Office 3 (Central Luzon), isinagawa ang operasyon dakong alas-9:50 ng umaga ng Special Drug Enforcement Team ng Talavera Municipal Police Station, katuwang ang Police Intelligence Unit at Nueva Ecija Provincial Police Drug Enforcement Unit, matapos ang intelligence validation ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Inaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover police operative. Nakumpiska mula sa kanya ang humigit-kumulang 270 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php1,836,000, kasama ang marked money na ginamit sa transaksyon.

Dinala ang suspek at mga ebidensya sa Talavera Municipal Police Station para sa dokumentasyon, imbentaryo, at paghahain ng kaukulang kaso alinsunod sa umiiral na batas.

Patunay ang matagumpay na operasyon sa hindi natitinag na paninindigan ng PNP na ipatupad ang batas ng walang kinikilingan at prinoprotektahan para panatilihin ang kaligtasan ng publiko at kapayapaan sa bansa.

Source: PNA