Php1.26M halaga ng hinihinalang shabu, narekober sa isang drug personality sa Roxas City

0
47
Screenshot

Arestado ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang isang drug personality matapos makumpiska ang humigit-kumulang 185 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php1,258,000.00 sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Sibaguan, Roxas City, Capiz, dakong 12:30 ng madaling-araw noong Agosto 28, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Toto,” 47 taong gulang, binata, at residente ng Pontevedra, Capiz.

Isinagawa ang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 6, katuwang ang Regional Intelligence Division 6 (RID6), Philippine Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 6 (PDEG-SOU6), at Roxas City Police Station, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na intelligence-driven operations laban sa mga High-Value Individuals at iba pang indibidwal na may kinalaman sa iligal na droga.

Narekober mula sa possession at control ng suspek ang 17 sachets at dalawang knot-tied plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu,buy-bust at proceeds money.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang pinoproseso ang pagsasampa ng kaukulang kaso, kabilang ang paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri ni PRO6 Regional Director Police Brigadier General Randulf T Tuaño ang mga operatiba ng RPDEU6 at mga katuwang na units sa matagumpay na operasyon alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman.”

“Ang pagkakasamsam ng mahigit isang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ay malinaw na resulta ng masusing intelligence gathering, validation, at koordinasyon ng ating mga operating units. Higit sa pagkumpiska ng ilegal na droga, mahalaga ring matukoy at maputol natin ang supply chain at network na nagpapatuloy ng ilegal na kalakalan ng droga sa ating mga komunidad,” ani PBGen Tuaño.

Binigyang-diin ng Regional Director na patuloy na tututukan ng PRO6 hindi lamang ang mga indibidwal na direktang nagbebenta o namamahagi ng ilegal na droga, kundi maging ang mga supplier, at iba pang personalidad na nasa likod ng kanilang operasyon.

“Hindi tayo titigil sa mga nahuhuli sa aktuwal na transaksiyon. Patuloy nating palalalimin ang ating intelligence-driven operations upang matukoy kung saan nanggagaling ang ilegal na droga, sino ang mga kasabwat, at sino ang nagpapatakbo ng kanilang network. Ang sinumang sangkot sa ilegal na droga ay ating tutugisin at pananagutin alinsunod sa batas,” dagdag pa niya.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1DegffPUaD/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply