Nadiskubre ng mga pinagsanib na operatiba ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region ang tinatayang Php1,180,000 halaga ng marijuana sa isinagawang marijuana eradication sa Kayapa, Bakun, Benguet nito lamang ika-12 ng Pebrero 2025.
Ayon kay Police Brigadier General David K Peredo Jr, Regional Director ng PRO CAR, ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit, CAR katuwang ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division, PRO CAR, Bakun Municipal Police Station, at Philippine Drug Enforcement Agency CAR.
Nagresulta ang operasyon sa pagkadiskubre ng limang plantasyon ng marijuana na may kabuuang lawak na 1,100 square meter na may tanim na 5,900 piraso ng fully grown marijuana at may Standard Drug Price na Php1,180,000.
Lahat ng nadiskubreng marijuana ay binunot at sinunog sa mismong lugar.
Walang naitalang nahuling cultivator subalit patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mapanagot ang mga lumabag sa batas.
Patuloy din ang panawagan at pagpapaalala ng PRO CAR sa publiko na makipagtulungan sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga upang mapigilan ang pagtatanim at transportasyon ng marijuana sa buong rehiyon.