Umabot sa Php1,040,400 ang halaga ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 153 gramo na nakumpiska ng mga operatiba ng Police Regional Office 6 (PRO6) matapos maaresto ang isang lalaking suspek sa buy-bust operation sa Brgy. Tacbuyan, Estancia, Iloilo, dakong 1:40 ng madaling-araw ng Biyernes, Oktubre 16, 2026.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Son,” 29 anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Brgy. Pa-on, Estancia, Iloilo.
Nabatid na naaresto ang suspek matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Estancia Municipal Police Station.
Bukod sa buy-bust item, nakarekober din ang tatlong iba pang sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Ayon kay PBGen Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyon upang maputol ang daloy ng ilegal na droga sa Western Visayas. Pinuri rin niya ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon at matagumpay na pagsasagawa ng operasyon na naaayon sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
“Hindi lamang sa pag-aresto sa mga sangkot at pagkakasamsam ng ilegal na droga nakatuon ang ating kampanya. Mas mahalagang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na kalakalan upang tuluyang maputol ang kanilang operasyon. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga hakbang upang maprotektahan ang ating mga komunidad, lalo na ang kabataan, laban sa panganib ng ilegal na droga. Bawat matagumpay na operasyon ay isang hakbang tungo sa mas ligtas at drug-free na Western Visayas,” ani PBGen Tuaño.
PNP-RPIO6
Source: https://www.facebook.com/share/p/1HFM72Jzt4/

