PBGen Marallag, muling itinalaga bilang Regional Director ng PRO 2

0
1926

Minarkahan ang opisyal na pagbabalik ni Police Brigadier General Antonio Pacis Marallag, Jr. bilang Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa ginanap na Ceremonial Turnover of Command kahapon, Oktubre 8, 2025, sa Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan.

Pinangunahan ni Acting Chief ng Philippine National Police (PNP), Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr., na kinatawan ng Deputy Chief PNP for Administration na si Police Lieutenant General Bernard M Banac.

Sa ipinarating na mensahe ng Chief PNP ay nakatutok ito sa agenda ng hanay para sa pagbabago. Ang pangako ng organisasyon na maging epektibo, at may mataas na kakayahang gampanan ang law enforcement. Binigyang-diin din niya ang kanyang four-point focused agenda sa pagkamit ng misyon at bisyon ng PNP na inuuna ang tunay na serbisyo publiko at integridad.

Kilala sa kanyang matatag na pamumuno at diskarte sa komunidad si PBGen Marallag, Jr. Nangako siya na patuloy na palakasin ang pagsusumikap para sa kaligtasan ng publiko, pagpapabuti ng mga operasyon ng pagpapatupad ng batas, at higit pang pagpapapatatag ng ugnayan ng pulisya-komunidad na nakatuon sa pag-iwas at paglutas ng krimen.

“Tulad ng lagi kong sinasabi, magtrabaho lang tayo. Magtrabaho tayo ng tahimik, magtrabaho ng tapat, at magtrabaho nang walang humpay para sa mga tao hindi para sa papuri,” ani RD Marallag.

Dagdag nito, hinikayat ni PBGen Marallag ang buong hanay ng PRO 2 na manatiling saligan sa tungkulin gaano man kahirap ang landas, dahil iyon ang hinihingi ng serbisyo publiko. Na hindi kailangan ang spotlight—ang mga resulta  ng pagseserbisyo ang mahalaga.Nanawagan din siya na panatilihin ang disiplina, integridad, at propesyonalismo sa lahat ng aspeto ng serbisyo.

Samantala, nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si outgoing Regional Director PBGen Roy B Parena sa lahat ng ahensyang tumulong sa pagpapatupad ng batas, gobyerno at non-government organizations para sa kanilang suporta sa PRO2. Siya ay lilipat naman sa PNP Directorate for Research and Development sa Camp BGen Rafael T Crame sa Quezon City.

Source: PRO 2 FB page

Panulat ni PCpl Carla Mae P Canapi