“Pamilya ng Pulis Program: Family Retreat,” pormal na inilunsad sa Kampo Crame; Pinagtibay ang papel ng pamilya sa reporma sa hanay ng kapulisan

0
425

Sa layuning higit pang mapalakas ang disiplina at kapakanan ng mga pulis, inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang programang “Pamilya ng Pulis Program: Family Retreat” noong Marso 14–15, 2026 sa PNP Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.

Ang naturang programa ay idinisenyo bilang mahalagang bahagi ng preventive approach sa ilalim ng internal disciplinary mechanism ng PNP. Binigyang-diin ng pamunuan na ang matatag na pamilya ang pundasyon ng isang disiplinado, responsable, at epektibong pulis.

Tinipon ng dalawang araw na aktibidad ang mga pulis at kanilang mga pamilya upang higit pang pagtibayin ang ugnayan sa loob ng tahanan. Sa pamamagitan ng mas malapit na ugnayan ng pulis at kanilang pamilya, inaasahang magiging mas matatag ang suporta sa bawat kawani ng kapulisan sa kanilang tungkulin sa paglilingkod at pagprotekta sa mamamayan.

Ayon kay PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., hepe ng PNP, ang lakas ng organisasyon ay nagsisimula sa loob ng tahanan. Aniya, “A police officer who is happy and secure at home is a more effective public servant. Kapag maayos ang ugnayan sa pamilya, mas nakatutok ang ating mga personnel sa kanilang tungkulin.”

Dagdag pa ni PGen Nartatez, ang layunin ng programa ay hindi lamang pagbutihin ang kakayahan ng mga pulis sa kanilang propesyon Kundi palakasin din ang pundasyon ng kanilang personal na buhay. “We are not just building better police officers; we are building stronger foundations. Ang pamilyang matatag ang sandigan ng isang disiplinadong pulis,” aniya.

Kabilang sa mga aktibidad ang mga talakayan tungkol sa pananampalataya, komunikasyon sa pamilya, pagiging magulang, at pagpapatibay ng relasyon ng mag-asawa. Nagkaroon din ng hiwalay na programa para sa mga anak ng pulis na nakatuon sa values formation at personal development upang hubugin ang kanilang karakter at responsibilidad bilang bahagi ng pamilya ng isang alagad ng batas.

Nagbigay-pugay din si PGen Nartatez sa mga asawa at anak ng mga pulis na tahimik na sumusuporta sa kanilang tungkulin. Aniya, “To the spouses and children, you are the unsung heroes of the PNP. While we guard the community, you guard our hearts. Maraming salamat sa inyong sakripisyo at pag-unawa sa hirap ng aming tungkulin. Katuwang namin kayo sa bawat tagumpay dahil kayo ang tunay na lakas sa likod ng aming uniporme.”

Ipagpapatuloy at palalawakin pa ng PNP ang naturang programa upang maabot ang mas maraming pamilya ng pulis sa buong bansa, bilang bahagi ng patuloy na reporma at pagpapalakas ng institusyon sa pangakong maghatid ng mas maayos, disiplinado, at makataong serbisyo para sa sambayanang Pilipino.

Photo Courtesy by Tambayan ng Pulis