Nabisto ang higit pitong milyong halaga ng umano’y shabu na naka-“package” sa isinagawang controlled delivery operation ng otoridad nitong Huwebes, May 25, 2022.
Ang suspek/consignee nito ay kinilala ni Police Brigadier General Andre Dizon, Director ng PNP Aviation Security Group, na si Jona Faustino y Santiago, motorcycle mechanic, 24, nakatira sa 4080 Daisy Street, Purok 4, Confraida, Malolos City, Bulacan.
Ayon kay PBGen Dizon, ang nasabing package ay ipinadala ng Tanaporn of Ban, Nong Phaya Chonthabouly, Vientiane, Laos sa pamamagitan ng Philpost – CMEC Domestic Road, Pasay City.
Ayon pa kay PBGen Dizon, naaresto si Faustino bandang alas-5:00 ng hapon sa kanya mismong tahanan ng pinagsanib pwersa ng PNP AVSEU NCR, Intel operative’s ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, at PDEA.
Dagdag pa ni PBGen Dizon, nakumpiska kay Faustino ang nasabing package na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng Water Purifier na tumitimbang ng humigit-kumulang 1,092 gramo at may street value na Php7,425,600.
Pagkatapos mahuli ang suspek ay nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba sa isa nitong kasamahan na pinangalanang Edison alyas “Sonic” ngunit wala umano ito sa lugar.
Sinampahan na ang suspek ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinaalalahanan naman ni PBGen Dizon ang mga nagbabalak ng ganitong scheme na huminto na at wala silang lusot sa kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga.
Source: PNP AVSEG
###
PCpl Jhoanna Marie Najera-Delos Santos