Off-duty na pulis ng Angadanan, rumesponde sa nasusunog na sasakyan sa gasolinahan

0
19

Muling pinatunayan ng Philippine National Police na ang tunay na paglilingkod ay hindi natatapos sa oras ng duty matapos magpakita ng pambihirang katapangan si PMSg Kennedy Tungpalan ng Angadanan Police Station sa pagsagip sa isang nasusunog na sasakyan sa loob ng isang gasolinahan sa Brgy. Alibagu, Ilagan City, Isabela noong umaga ng Abril 20, 2026.

Ayon sa ulat, pauwi na sana si PMSg Tungpalan matapos samahan ang kanyang asawa sa Physical Fitness Test sa Isabela Police Provincial Office nang mapansin niya ang kaguluhan sa gilid ng kalsada. Sa kanyang pagiging mapagmatyag, agad siyang huminto upang tingnan ang sitwasyon at nakita ang isang sasakyang unti-unting nilalamon ng apoy habang nasa loob ng Rite Fuel gas station.

Sa kabila ng panganib ng posibleng pagsabog, mabilis niyang inutusan ang mga taong nasa paligid na lumayo upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi nag-atubili ang pulis na kunin ang fire extinguisher ng gasolinahan at personal na sinugpo ang apoy bago pa ito lumaki at magdulot ng mas matinding trahedya.

Dahil sa maagap na pagkilos ni PMSg Tungpalan, tuluyang naapula ang sunog at walang sinumang nasaktan sa insidente. Nagpasalamat naman ang drayber ng sasakyan at pamunuan ng gasolinahan sa mabilis na responde ng pulis na anila’y nakaiwas sa mas malaking pinsala at panganib sa komunidad.

Ayon kay PMaj Francisco D. Liwag, Chief of Police ng Angadanan Police Station, ang ipinakitang kabayanihan ng kanyang tauhan ay sumasalamin sa tunay na diwa ng pagiging lingkod-bayan. Aniya, “Ang ganitong uri ng kabayanihan ay sumasalamin sa tunay na puso ng isang pulis—mapagmatyag, matapang, at laging handang magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon hindi lamang sa kapulisan kundi sa buong komunidad, na ang pagtutulungan at malasakit sa isa’t isa ang susi sa ligtas at maayos na lipunan.”

Pinuri rin ni PBGen Antonio P. Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, ang naging aksyon ni PMSg Tungpalan at sinabing, “Ipinapakita ng pangyayaring ito ang dedikasyon at kahandaan ng mga miyembro ng kapulisan sa pagbibigay ng kaligtasan sa komunidad, at lalo pang nagpapatibay ng tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.”

Ang kabayanihang ipinamalas ni PMSg Tungpalan ay isang buhay na patunay ng adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” kung saan ang bawat pulis ay handang tumugon at maglingkod sa mamamayan anumang oras, nasa loob man o labas ng opisyal na tungkulin.

Source: PRO 2 and Angadanan PS Isabela PPO Facebook Pages

Leave a Reply