NCRPO, mahigpit na pinaghahandaan ang seguridad para sa “49th ASEAN Summit”

0
38

Mahigpit na pinaghahandaan ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng liderato ni PBGen Christopher N. Abrahano, Officer-In-Charge, ang mga plano sa seguridad sa deployment ng mga tauhan, at mga contingency plan para sa nalalapit na “49th ASEAN Summit,” nito lamang Nobyembre 15 hanggang 18, 2026 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Layunin nitong matiyak na agad na maisasagawa ang mga kinakailangang pagbabago sa operasyon upang matugunan ang mga bagong pangangailangan sa seguridad at matiyak ang kaligtasan ng mga dayuhang delegado at ng publiko.

Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na dapat manatiling maagap, flexible, at tumutugon sa kasalukuyang sitwasyon ang mga paghahanda sa seguridad. Kinakailangang regular na suriin ng mga hepe ng pulisya ang kani-kanilang nasasakupang lugar, tukuyin ang mga posibleng kahinaan sa seguridad, at tiyaking nakapuwesto nang maayos ang mga tauhan at kagamitan upang makatugon sa anumang posibleng pangyayari.

Iginiit din niya na dapat mapanatili ng NCRPO ang kahandaan sa operasyon sa buong panahon ng summit, habang isinasaalang-alang ang mga posibleng pagbabago sa pangangailangan sa seguridad, galaw ng mga tao, daloy ng trapiko, at iba pang pangyayaring maaaring makaapekto sa maayos na pagsasagawa ng naturang mataas na antas ng pandaigdigang pagtitipon.

“Our security preparations must not remain static. We must constantly assess the situation on the ground, anticipate possible challenges, and make the necessary adjustments to ensure that our security measures remain effective. We cannot afford to be complacent when the safety of our delegates, visitors, and the public is at stake,” (Hindi dapat manatiling nakapirmi ang ating mga paghahanda sa seguridad. Kailangang patuloy nating suriin ang aktuwal na sitwasyon sa ating mga nasasakupan, paghandaan ang mga posibleng hamon, at isagawa ang mga kinakailangang pagbabago upang matiyak na mananatiling epektibo ang ating mga hakbang sa seguridad. Hindi tayo maaaring maging kampante kung nakasalalay dito ang kaligtasan ng ating mga delegado, bisita, at publiko,) pahayag ni PBGen. Abrahano.

Inatasan din niya ang mga hepe ng pulisya na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at iba pang sektor na may papel sa seguridad upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga protocol sa seguridad, epektibong pagtugon sa mga emerhensiya, at agarang pagkilos sakaling magkaroon ng anumang banta o suliranin sa seguridad.

Tinitiyak din ng NCRPO na nakahanda ang mga contingency measures upang matugunan ang mga posibleng aberya at iba pang hindi inaasahang insidente. Kasabay nito, pananatilihin ang sapat na presensiya ng pulisya sa mga mahahalagang pasilidad, lugar na pagdarausan ng summit, mga tutuluyang lugar ng mga delegado, itinalagang ruta, at iba pang kritikal na lugar sa buong Metro Manila.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1eEdzytChJ/

Leave a Reply