Sa kabila ng nararanasang masamang panahon ngayong Hulyo 28, buong puwersa pa ring itinalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang mga tauhan upang tiyakin ang seguridad, kaayusan, at kapayapaan ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Nagsama-sama naman ang mga uniformed personnel mula sa iba’t ibang yunit upang mai-deploy sa pangunguna ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO. Mula sa mga checkpoint, protest areas, hanggang sa paligid ng Batasang Pambansa, mahigpit ang pagbabantay ng mga pulis.


Sa kabila ng malalakas na pag-ulan, patuloy pa rin ang pagbibigay ng seguridad, pagmamando sa trapiko, at pagbibigay gabay sa mga commuter sa paligid ng Quezon City. Bukod sa seguridad, nakaalerto rin ang mga pulis upang tumulong sa mga posibleng pagbaha o emergency rescue.


Pinapanatili rin ng kapulisan ang kanilang maximum tolerance sa mga kilos-protesta at siniguro ang balanse sa pagitan ng karapatang magpahayag at pampublikong kaayusan.



