Nagluluksa ang buong hanay ng Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa pagkasawi ng isang miyembro ng hanay habang sugatan naman ang dalawa sa isinagawang buy-bust operation nito lamang gabi ng May 11, 2026 sa Barangay Talaptap, La Castellana, Negros Occidental.
Ayon sa pulisya, isinakatuparan ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team ng La Castellana Municipal Police Station ang isang anti-illegal drug operation laban sa 41-year-old na street-level drug suspect.
Ngunit naging bayolente umano ang nasabing suspek at inatake ang mga pulis gamit ang isang panaksak. Tumulong din umano sa pananaksak ang ina ng suspek.
Dahil sa natamong saksak, nasawi ang isang pulis habang kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang dalawa pang sugatang pulis.
Nagtamo naman ng ilang sugat ang suspek, na kasalukuyang nagpapagaling sa isang local health facility at nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya, kasama ang nanay nito na nahaharap sa mga kasong kriminal.
“This incident underscores the grave risks our personnel face in the performance of their duty. We honor the bravery and sacrifice of our fallen officer who gave his life in the service of the Filipino people,” pahayag pa ni PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“Hindi matitinag ang PNP sa pagtupad ng aming tungkulin laban sa ilegal na droga at karahasan. Sisiguraduhin naming makakamit ang hustisya para sa ating nasawing kapulisan,” dagdag pa ni PGEN Nartatez.
Binigyang-diin pa ng Chief PNP ang aniya’y mga operational risks na patuloy na kinakaharap ng mga kapulisan sa pagpapatupad ng kanilang mandato, partikular na sa pagsasagawa ng mga parehong anti-illegal drug operations.
Tiniyak naman ng PNP na hindi matitinag ang buong hanay sa paglaban sa ilegal na droga alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr., at sa mantra ng himpilan na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



