Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Capalonga Municipal Police Station (MPS) ang isang babaeng akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person sa isinagawang operation nitong Hunyo 19, 2026, dakong alas 9:20 ng umaga sa Barangay Catioan, Capalonga, Camarines Norte.
Kinilala ang naarestong akusado sa alyas na “Mamang,” 55 taong gulang, may asawa, at residente sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na may kaugnayan sa kasong Illegal Recruitment in Relation to Republic Act No. 10022 (Violation of Section 5).
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng warrant, gumamit ang operating team ng isang awtorisadong Alternative Recording Device (ARD), upang maitala ang buong proseso ng pag-aresto.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, agad na dinala ang akusado sa Capalonga Medicare Community Hospital para sa pisikal at medikal na eksaminasyon bago isinailalim sa kustodiya ng Capalonga MPS para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.
Alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” patuloy ang Camarines Norte Police Provincial Office sa pagpapatupad ng batas at pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga indibidwal na may kinahaharap na kaso bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng komunidad.
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos



