Matagumpay na narekober ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang iba’t ibang kagamitang pandigma na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang isinagawang intelligence-driven Internal Security Operation sa Sitio Valley Farm, Brgy. Tigbao, Milagros, Masbate dakong 11:40 ng umaga noong Hulyo 11, 2026.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pamumuno at superbisyon ni PLtCol Michael P. Lorilla, Officer-in-Charge, Force Commander ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang iba pang operating units ng PNP at AFP.
Sa isinagawang operasyon, narekober ang isang improvised claymore mine, mga Anti-Personnel improvised explosive devices (APIEDs), rifle grenades, isang improvised hand grenade, blasting caps, firing line, isang KG9 submachine gun, mga magazine para sa kalibre 5.56 mm, at live ammunition para sa kalibre .30 at 5.56 mm.
Ang pagkakarekober ng mga kagamitang ito ay nakatulong upang maiwasan ang posibleng paggamit ng mga ito sa mga gawaing maaaring magdulot ng panganib sa buhay, ari-arian, at seguridad ng publiko.
Muling pinagtitibay ng Police Regional Office 5 ang patuloy nitong pangako na paigtingin ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines, iba pang law enforcement agencies, at sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at mapigilan ang anumang banta sa seguridad ng rehiyon.
Hinihikayat din ng PNP ang publiko na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon, sapagkat ang bawat ulat mula sa mamamayan ay mahalagang ambag sa paglaban sa kriminalidad at insurgency.
Patunay ang matagumpay na operasyong ito na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng PNP, AFP, at ng komunidad, mas napapalakas ang kampanya laban sa mga banta sa kapayapaan at mas napagtitibay ang layunin ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na Masbate alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



