Tututukan umano ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng PNP- Anti Cybercrime Group (ACG) ang pag-iimbestiga sa lahat ng mga indibidwal na sangkot umano sa iba’t ibang mga cybercrime offenses gaya na lamang ng online harassment, paglabag sa data privacy, at iba pang mga pang-aabuso.
Ayon sa PNP, simula Agosto 2024 hanggang Enero 2026, umabot sa mahigit 47,000 reklamo ang natanggap ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Nangunguna dito ang kaso ng mga mapang-abusong online lending platforms.
Saad pa ni PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., kabilang sa mga reklamo ang pagpapadala ng pagbabanta, public shaming, at iligal na pag-a-access sa contact list ng mga kliyente. May mga kaso rin umano ng manipulated pictures upang takutin at ipahiya ang mga nangutang.
Giit pa ni PGen Nartatez, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng operasyon at kinakailangan na itong aksyunan ng pulisya.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa PAOCC, Securities and Exchange Commission, at National Privacy Commission upang matukoy ang mga kumpanyang lumalabag sa batas at mapanagot ang mga ito.



