Mandaluyong City — Nasagip ng dalawang Pulis ang isang menor de edad na babae matapos itong tumalon sa Makati-Mandaluyong Bridge kahapon, Abril 16, 2022.
Ayon kay Police Colonel Gauvin Mel Unos, Mandaluyong COP, bandang alas-5:24 ng hapon nang tumalon ang menor de edad sa tulay at namataan ito ng dalawang pulis na nagpapatrolya sa kahabaan ng Coronado Street Brgy. Hulo Mandaluyong City sa ilalim ng tulay.
Agad na sinaklolohan ito ng dalawang tauhan ng Substation 7 Mandaluyong na sina Police Corporal Bernard Miguel at PCpl Alex Zesar.
Hindi alintana ni PCpl Miguel ang lalim ng ilog at mabilis na nilangoy at naabutan ang biktima na nataranta sa gitna ng tubig habang si PCpl Zesar ay agad tumawag ng ambulansya.
Ayon salaysay ng dalawang pulis, nawalan na ito ng malay ng madala sa tabing-ilog ngunit agad naman siyang nabigyan ng medical attention ng Mandaluyong City Command and Control Center.
Aniya, bago mangyaring tumalon ang biktima sa nasabing tulay, nakita umano ito na umiiyak habang nakaupo sa gilid ng tulay at balisa ang mga kilos.
Kasabay ng pagpapagamot sa biktima, sumailalim din siya sa Psychiatric Evaluation sa National Hospital for Mental Health.
Pinuri ni PCol Unos ang kabayanihan nina PCpl Miguel at PCpl Zesar sa maagap na pagresponde nila sa batang babae.
“Ako ay nagagalak na ang ating mga kapulisan ay alisto at alerto sa pagganap ng kanilang tungkulin. Saludo ako sa kanilang malasakit, liksi ng pag-iisip, at kadakilaan. Sana ay magpatuloy ang bawat isa upang tupdin ang ganitong mabubuting gawain. Tunay nga na sa Mandaluyong Disiplinado, Gawa Hindi Salita,” ani Police Colonel Unos.
Source: Mandaluyong CPS
###
Panulat ni PCpl Jhoanna Marie Najera-Delos Santos