Habang abala at ginagawa ng ating gobyerno ang lahat nang paraan upang matugunan ang pangangailangan at matulungan ang ating mga kababayan sa panahon ng pandemya, walang humpay naman ang ginagawang pamiminsala at pamimerwisyo ng New People’s Army (NPA) sa mga inosenteng mamamayan. Wala silang ginawa kung hindi isabotahe ang mga pangkaunlarang proyekto ng ating pamahalaan at maghasik nang takot at pangamba sa pamayanan.
Noong October 7, 2020, alas 8:00 ng umaga, nagsagawang muli nang ambush ang mga terorista sa isang patrol car ng Philippine National Police (PNP) sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Tagbayaon, Jiabong, Samar. Nagpasabog ng dalawang landmines ang mga NPA bago nagpaulan ng punglo. Nasugatan sa pananambang si Patrolman Ace Denver Aharrudin ng Pinabacdao Municipal Police Station na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan. Masuwerte namang hindi nasugatan ang tatlo niyang kasamahan na nakilalang sina PSSgt Crisostomo Mabansag, PCpl Paul Hadlong at PCpl Reymart Romero.
Nadamay din sa pananambang ang mga nakasakay sa isang passenger Van na nakabuntot sa patrol car nang maganap ang pag-ambush. Nakilala ang mga sakay ng Van na sina Erixon Gacumo at Realy Del Rio, parehong teacher, isang Elma Geli, 58 anyos at ang driver na si Reynaldo Calipis, 51 anyos. Labis na takot at pangamba ang idinulot nang pananambang sa mga inosenteng sibilyan lalo na ang pagsabog ng landmines. Agad namang tumakas ang mga salarin nang matunugan nilaang paparating na tropa ng pamahalaan na agad rumesponde sa insidente.
Noong 2020, buwan ng Mayo, nakarekober ang mga tropa ng gobyerno ng apat na IEDs na inilatag ng mga NPA sa Maharlika National Highway at sa boundary ng Barangay Pahug at Madalunot sa bayan ng Pinabacdao, Samar. Noong April 6, 2020, may na recover din na IEDs sa mga karatig barangay ng Hubasan at Calbiga.
Noong 2019, dalawang empleyado ng Toyota Motors ang nakaligtas sa IED ambush attack nang ang kanilang sasakyan ay napagkamalang patrol vehicle ng PNP sa Maharlika Highway sa boundary ng Barangay Lale at Pahug. Noong December 2015, naambush din ang tropa ng pamahalaan na nagsagawa ng Relief Operation sa kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong “NONA” sa kaparehong boundary pa rin ng Barangay Pahug at Madalunot.
Dahil sa tulong ng mamamayan ng Samar na galit na galit na sa paghahasik ng terorismo at karahasan ng mga NPA, unti-unti nang nawawasak ang istruktura at galamay ng mga terorista sa lalawigan ng Samar. Sa mga mamamayan ng Samar, salamat at saludo po kami sa inyong katapangan at malasakit sa ating bansa!
Muli, salamat po sa inyong suporta sa ating pamahalaan!
####