Muling pinatunayan ng mga tauhan ng Malilipot Municipal Police Station ang kanilang kahandaang maglingkod at malasakit sa mamamayan matapos agad na umalalay sa isang buntis na malapit nang manganak sa Brgy. Poblacion, Malilipot, Albay noong Oktubre 11, 2026.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya, napansin nina PMSg Nino Bilaos at PCpl Angelica Aguilar ang isang buntis na nangangailangan ng agarang tulong medikal.
Agad na tumawag ng ambulansya ang dalawang pulis at tinulungan ang babae na makasakay upang matiyak na madadala ito sa isang lying-in clinic para sa kinakailangang atensiyong medikal.
Ang maagap na pagkilos ng mga pulis ay konkretong pagsasabuhay ng PNP Focused Agenda at ng Project Alagang Kasurog, na naglalayong palakasin ang serbisyong nakatuon sa komunidad. Binibigyang-diin ng proyekto ang pagtrato sa bawat mamamayan bilang kapamilya, pagbibigay ng tapat at nararamdamang suporta, mabilis na pagtugon, pagtupad sa obligasyong may puso, at paggabay sa komunidad. Ipinakita sa insidenteng ito na ang tunay na serbisyo publiko ay hindi lamang nasusukat sa pagpapatupad ng batas, kundi pati sa kahandaang tumulong at magmalasakit, lalo na sa mga sitwasyong mahalaga ang bawat segundo.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), patuloy na isinusulong ng kapulisan ang serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng bawat Bicolano. Ang simpleng pagkilos nina PMSg Bilaos at PCpl Aguilar ay patunay na sa bawat pagpapatrolya ay may pagkakataong makapaglingkod, makatulong, at maghatid ng pag-asa sa kapwa, tungo sa katuparan ng adhikain para sa isang Bagong Pilipinas.
Source: https://www.facebook.com/share/p/19opm3tPHK/
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

