Mahigit Php330K halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska ng PRO5, 2 suspek, arestado sa Camalig, Albay

0
36

Matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 5 (PRO5), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Coast Guard Intelligence Unit na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkakakumpiska ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php330,696 sa Brgy. Tinago, Camalig, Albay, bandang 8:30 ng gabi noong October 18, 2026.

Pinangunahan ng PDEA, Region V ang operasyon, katuwang ang Albay Police Provincial Office (PPO), Albay Provincial Intelligence Unit (PIU), at Camalig Municipal Police Station, at Coast Guard Intelligence Unit.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Boy” at “Rod,” kapwa residente ng Camalig at kabilang sa mga bagong pangalan sa listahan ng mga street-level individual. Sa isinagawang transaksiyon, nakabili ang poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.13 gramo. Sa isinunod na paghahalughog, narekober mula sa mga suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 44.09 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php176,360, gayundin ang iba pang hinihinalang drug paraphernalia at mga kagamitang may kaugnayan sa operasyon. Sa kabuuan, umabot sa 44.22 gramo ang nakumpiskang hinihinalang shabu na may standard drug price na Php330,696.

Kabilang din sa mga nasamsam ang buy-bust money, isang aluminum foil strip, apat na bukas na transparent plastic sachet na may hinihinalang residue ng shabu, dalawang lighter, mga aluminum foil, isang sling bag at isang transparent sachet. Isinasagawa ang pagmamarka at pag-iimbentaryo ng mga nakuhang ebidensiya sa harap ng mga suspek at mga saksi mula sa media at barangay. Samantala, ang isang menor de edad na sangkot sa insidente ay itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa angkop na pag-aalaga at disposisyon alinsunod sa umiiral na batas.

Binigyang-diin ni PCOL Nuñez ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon ng Albay PPO, PDEA, at iba pang law enforcement agencies upang higit na mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa lalawigan. Sa pamamagitan ng Serbisyong NOEL (Nararapat, Organisado, Epektibo, at Laging Maaasahan) flagship program at Safe Albay advocacy, patuloy na isinusulong ng Albay PPO ang pagpapatupad ng batas, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghahatid ng tapat at responsableng serbisyo sa publiko. Hinihikayat din ang mamamayan na makiisa sa mga pagsisikap na ito tungo sa isang ligtas at mapayapang Albay, alinsunod sa adbokasiya ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: https://www.facebook.com/share/p/1NwuQWkVEc/

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply