Naaresto ng mga awtoridad ang isang tulak ng droga matapos mahulihan ng mahigit Php3.4 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Figueroa Street, Barangay Sawang Calero, Cebu City dakong alas-8:35 ng gabi nitong Abril 25, 2025.
Kinilala ni Police Captain Giann Karlo Reyes, Officer-In-Charge ng Police Station 6, Cebu City Police Office, ang suspek na si alyas “Elvis,” 22 taong gulang, at kasalukuyang naninirahan sa Block 5, Barangay Sawang Calero, Cebu City.
Nasamsam sa operasyon ang anim (6) na malalaking pakete ng hinihinalang shabu na aabot sa 500.5 gramo at may Standard Drug Price na Php3,403,400, belt bag, at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy na isinusulong ng mga kapulisan ang kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar, alinsunod sa adbokasiya ng pamahalaan tungo sa isang Bagong Pilipinas.