Muling pinatunayan ng Philippine National Police – Police Regional Office Cordillera Administrative Region ang kanilang matibay na kampanya laban sa iligal na droga matapos ang matagumpay na operasyon mula Abril 6 hanggang 12, 2026. Sa loob ng isang linggo, nakasamsam ang mga awtoridad ng iligal na droga na nagkakahalaga ng Php24,187,249 at naaresto ang pitong drug personalities.
Sa ulat ng Regional Operations Division, nagsagawa ang PRO CAR ng kabuuang 24 operasyon na kinabibilangan ng 20 marijuana eradication operations, tatlong buy-bust operations, at isang implementasyon ng warrant of arrest.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 78,173 na fully grown marijuana plants, 22 marijuana seedlings, 305 gramo ng marijuana seeds, 70,610 gramo ng pinatuyong dahon at fruiting tops ng marijuana, at 10.58 gramo ng shabu. Ang kabuuang halaga ng mga ito ay umabot sa higit Php24.1 milyon batay sa standard drug price.
Sa operasyon, pitong indibidwal ang naaresto, kung saan tatlo ang itinuturing na High Value Individuals (HVIs) at apat naman ay Street Level Individuals (SLIs). Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinakamalaking bahagi ng nakumpiskang droga ay mula sa Benguet Police Provincial Office na umabot sa Php19.3 milyon at nagresulta sa pagkakaaresto ng isang HVI. Sinundan ito ng Kalinga Police Provincial Office na nakasamsam ng Php4.8 milyon halaga ng ilegal na droga at nakahuli ng dalawang SLIs.
Samantala, tumulong din sa operasyon ang Mountain Province, Abra, at Apayao PPO sa pagkakaaresto ng mga karagdagang suspek at pagkumpiska ng iligal na droga.
Ipinapakita ng mga tagumpay na ito ang patuloy na dedikasyon ng PRO CAR, katuwang ang iba’t ibang ahensya at komunidad, upang tuluyang masugpo ang iligal na droga at mapanatili ang ligtas at mapayapang pamayanan sa Cordillera.
Source: PRO CAR



