Mahigit Php2.8-M halaga ng ilegal na droga, nasamsam sa dalawang araw na operasyon ng PRO3

0
96

Nagbunga ng malaki ang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng  Police Regional Office 3 matapos ang pagkakaaresto at pagkakasamsam ng ilegal na droga na nasa mahigit 426 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit Php2.89 milyon sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan, Nueva Ecija, at Zambales mula Mayo 22 hanggang Mayo 23, 2026.

Sa Guiguinto, Bulacan, matagumpay na inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 3, RSOG3, at Guiguinto Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Jr,” 44-anyos, sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng Plaridel Bypass Road sa Brgy. Cutcut bandang alas-6:30 ng gabi noong Mayo 22. Narekober mula sa suspek ang humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang Php1.36 milyon.

Sa Nueva Ecija naman, naaresto ng mga tauhan ng General M. Natividad Municipal Police Station si alyas “Jim,” 55-anyos, matapos umanong tangkaing takasan ang checkpoint operation sa Brgy. Mataas na Kahoy bandang alas-9:30 ng gabi noong Mayo 22. Nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php408,000, isang improvised shotgun na may bala, weighing scale, at iba pang drug paraphernalia.

Samantala, bandang hatinggabi ng Mayo 23, matagumpay ding naaresto ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos City Police Station sina alyas “Atan” at “Soc” sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Panasahan, Lungsod ng Malolos, Bulacan. Nasamsam mula sa mga suspek ang nasa 81.50 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php554,200 at isang hindi lisensyadong kalibre .38 revolver na may mga bala.

Sa lalawigan naman ng Zambales, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Zambales PDEU, PIU Zambales, at Iba Municipal Police Station si alyas “Joe” at dalawa pa niyang kasamahan sa Brgy. Palanginan, Iba bandang alas-4:00 ng madaling-araw noong Mayo 23. Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 84.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php575,280, dalawang baril, mga bala, at buy-bust money.

Pinuri ni PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO3, ang mga operating unit sa matagumpay na operasyon at muling pinagtibay ang matatag na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga alinsunod sa direktiba ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief.

Patuloy na paiigtingin ng pulisya ang intelligence-driven operations at police visibility upang mapanatili ang seguridad ng publiko. Ang lahat ng mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila, kasabay ng pagpapatuloy ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO 3

Leave a Reply